Agosto 25,2014
2 Tesalonica 1:1-5.11-12
Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo —
Sa iglesya sa Tesalonica — mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo:
Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaan ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu–Cristo.
Dapat kaming magpasalamat sa Diyos tuwina dahil sa inyo, mga kapatid. Matuwid na gawin namin ito sapagkat patuloy na tumatatag ang inyong pananalig kay Cristo at patuloy ring umaalab ang inyong pagmamahal sa isa't isa. Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng kaanib sa iglesya ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya at pagtitiis, sa kabila ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.
Ito ang katunayan ng makatarungang hatol ng Diyos: na kayo'y ariing karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis.
Lagi namin kayong isinasama sa aming mga dalangin sa Diyos na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At ipagkaloob nawa niya sa inyo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ang lahat ng mabuti ninyong hangarin at lubusin ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya. Kung magkagayon, mabibigyan ninyo ng karangalan ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay bibigyan din ng karangalan ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento